Friday, January 4, 2013

Kanino kang ANAK?

Matagal akong nagtimpi ng galit dahil nakita ko ang negatibong epekto nito sa pamilya ko. Ngunit kapag nagkakaedad ay natututo tayong tanggapin ang sarili nating pagkatao. Kaya't dumating ang araw na pinakawalan ko ang galit ko. Nakaluwag ito sa damdamin ko, ngunit nakakapagod ito; nakasakit din ako ng damdamin ng iba. Napadasal ako, "Panginoon, bigyan Mo ako ng biyaya ng pagtitimpi. Hindi ko ito kayang gawin ng mag-isa."
At ginawa nga Niya, sa Kanyang paraan. Regular akong nagbabasa ng Biblia at mahalaga sa akin ang Kanyang Salita. Isang araw, nabasa ko ito sa Biblia:"Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan, sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos." Kung ganoon, ano ngayon ang tawag sa mga nagsisimula ng away at gulo? Napaisip ako, "Panginoon, tulungan Mo akong magtimpi mula ngayon. Ayokong maging anak ng kahit sino. Ako'y Iyo lamang."
Sinasalamin ng buhay natin ang ating paniniwala kung matatawag nga tayong tunay na anak ng Diyos. Hinarap ko ang katotohanang ito at gabay ko ito sa pagpipili ko araw-araw. Joy Sosoban(jsosoban@gmail.com)

Pagnilayan: "Ang pagpapala ko ay sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina." (2 Mga Taga-Corinto 12:9)


Panalangin: Mahal kong Jesus, nasa Iyo ang kalakasan ko. Tulungan Mo akong isabuhay ang pananampalatayo ko.

Thursday, January 3, 2013

Nagkamali ka na ba?

Habanng nagmamaneho papasok sa trabaho, nakikinig ng kantang papuri ang isa naming kasamahan sa komunidad. Sumabay pa siya sa pag-awit kasi damang-dama niya ang kanta. Nabigla siya nang may kotseng sumingit sa harapan. Sa kaba niya dahil muntik na silang mabanggaan, ibinaba niya ang bintana at sinigawan ang kaskaserong tsuper ng "Gago!" Ay mali!
Yung isa pa naming kasamahan ay isang ina. Malalaki na ang mga anak niya. Bilang ina, nasasaktan siya kapag nasasaktan ang mga anak niya. May isang pangyayaring nasigawan at namura niya ang taong nakasakit sa anak niya. Tinanong siya ng anak niya, "Di ba, dapat kaya niyong patawarin ang taong ito dahil kasali kayo sa isang samahan na naglilingkod sa Diyos? Kung ako nga napatawad ko siya, bakit kayo hindi?" Ay mali!
Ikinuwento nilang naisip nila agad na mali ang kanilang ginawa. Kung kasapi ka sa isang samahang Charismatic, hindi nangangahulugang hindi ka na nagkakamali. Hinuhubog ka pa lamang at ginagabayan ng grasya ng Diyos sa paglalakad sa daang matuwid. Dahil tayo ay anak ng Diyos, tayo ay Kanyang itinatayo at itinuturo sa tamang daan kapag tayo'y nagsabi ng, "Ay mali!"---Lella M. Santiago(mirellasantiago@yahoo.com)

Pagnilayan:
Nagkamali ka na ba? Napansin mo ba agad ang mali mo? Hindi pa huli para itama mo ito.

Panalangin:

Maawaing Ama, patawarin Mo kami sa aming kasalanan at ituro Mo sa amin ang matuwid na daan.

KAP

Sandaling nawala ang project manager sa salu-salo para sa pagbubukas ng bagong bodega. Pinatawag daw siya ni Kap.
Pagbalik niya, inusisa ko kung sino si Kap at ano ang kailangan nito. Sa kakulitan ko'y napilitan siyang umamin na si Kap(tawag nila sa isang opisyal ng pamahalaang lokal) ay humihingi ng P20,000. Bukod pa ito sa naunang P100,000 na ibinigay niya para sa mga dokumentong pang-negosyo. Di ako makapaniwalang may ganitong kalakaran! Tinanong ko kung nairekord niya ang kanilang pag-uusap, o kung mayroon siyang ano mang ebidensya na maipapasa namin sa isang program sa telebisyon upang ito'y maimbistigahan, maibunyag at matigil. Walang pakunwari ang aking pagtatanong. Sino nga namang negosyante ang maglalakas-loob na kalabanin ang lokal na pamahalan at gugustuhing lalong maging mahirap ang pakikipagtransaksyon sa kanila?
Lahat ay nagrereklamo tungkol sa bulok na sistema pero kaunti lang ang nagsasalita. Humihingi ang publiko ng pagbabago pero walang gustong tumanggap ng responsibilidad para maituwid ang daan. Tahimik na pinanonood ang unti-unting pag anod sa ating moralidad. Lumabas tayo sa ating comfort zone at magsalita sa laban sa mga Kap. Marie Franco (mariefranco@yahoo.com)

Pagnilayan:
Madaling punahin at husgahan ang mga imoral na gawain. Kung tayo's nalagay sa ganoong situwasyon, magiging iba ba ang ating reaksyon?

Panginoon, bigyan Mo kami ng Lakas ng loob na magsalita't manindigan para sa Iyong ngalan. Liwanagin ang kaisipan ng mga taong ayaw sumunod sa Iyong mga Salita.

Wednesday, January 2, 2013

Ang mga salita mo ba'y nakapagpapala o nakakasira sa iyong kapwa?

May dalawang sakristan na nakatira sa magkaibang siyudad at naglilingkod sa kanilang simbahan, ngunit pareho silang nagnais na maging pari. Magkatulad din and kanilang naging karanasan.
Ang isa ay nahuli sa Misa. Nagmamadali siyang gawin ang mga tungkulin niya at natabig niya ang kalis na naglalaman ng alak. Pagkatapos  ng Misa, tinawag siya ng pari at sinigawan, "Lumayas ka! Hindi ka na magsisilbi bilang sakristan kahit kailan!"
Ang pangalagawan sakristan ay nahuli rin sa Misa sa simbahan niya. Natabig din niya ang kalis, at nabubo ang alak sa pulang karpet. Pagkatapos ng Misa, tinawag siya ng pari, na isa ring obispo, at sinabi sa kanya, "Lahat tayo'y nagkakamali. Ganyan din ako. Alam mo? Siguro magiging pari ka rin."
Joseph Tito
Arch. Fulton Sheen


















Paglipas na tatlumpung taon, ang pangalawang sakristan ay naging si Arsobispo Fulton Sheen, isa sa mga minahal na lider ng Simbahan sa America. Ang unang sakristan? Siya'y si Joseph Tito, ateista at malupit na diktador ng bansang Yugoslavia. Makapangyarihan ang mga salita. Maari silang makapagpala, at makahilom, o makasira ng kalooban at pagkatao. Sa taong ito, gawing kaugalian ang pagpapala sa kapwa gamit ang mga salita, at pagpapalain ka rin. Dahil kung anong ibinigay mo, siya ring tatanggapin mo. -Bo Sanchez(bosanchez@kerygmafamily.com)
Pagnilayan: Ang mga salita mo ba'y nakapagpapala o nakakasira sa iyong kapwa?

Panalangin:

Basbasan Mo ang aking mga nasasaisip,Panginoon, nang tanging mga salitang nakapagpapala sa aking kapwa ang mamutawi sa aking mga labi.
                                                Maria, Ina ng Diyos, ipanalangin mo po kami.



Confessions from Anonymous girl:
 Isa sa mga mali ko sa buhay ay ang magbitaw ng masasamang salita sa kapwa, lalong lalo na sa mahal sa buhay. Hirap man intindihin pero kung sino yung pamilya natin ay sila pa mismo ang pinagsasalitaan ng masama. Kagaya na lang ng nagawa ko sa aking Ama,Ina, at kapatid. Bata pa lang ako ay suwail na akong bata, sumasagot sa magulang, inaaway ko ang bunso kung kapatid, pinagsasalitaan ko ng masasakit na salita para mainis sakin, sobra akong mapagmataas. PRIDE, ANGER, GREED, LAZINESS,DISCONTENT.
Ilan lang yan sa mga kasalanan ko sa aking magulang, kapatid at sa mga taong nasaktan ko, sanay hindi pa huli ang lahat. Tulungan nyo akong magbago.